Showing posts with label Journalism Articles. Show all posts
Showing posts with label Journalism Articles. Show all posts

Saturday, March 15, 2014

Honesto, Pramis!

© Patrick J. Merencillo

Ang pagiging matapat ay isang karangalan para sa ating mga Pilipino. Sa katunayan, ilan sa atin ang nakatanggap na ng medalya at rekognisyon nang dahil sa katapatan.

Gayunpaman, nakalulungkot isipin na may ilan sa ating hindi inaalintana ang kahalagahan ng pagiging matapat at isinasakripisyo ang kanilang karangalan sa kakarampot lamang na barya.

Isang halimbawa na rito si Mark Solis, isang Pilipino na nanalo sa “Smiles for the World Photo Contest” kung saan napag-alaman ng mga hurado na ang kanyang napanalunan ay huwad sapagkat ito ay pagmamay-ari ng isang banyaga.

Ang pangyayaring ito na kinasangkutan ni Solis ay isang marka sa imahe ng mga Pilipino at ng bansa. Ang matapat na pagkakakilala sa atin ay unti-unting nababahiran ng pagdududa at alinlangan dahil sa mga pangyayaring ganito.

Ika nga, ang mga ginagawa ng tao ay sumasalamin sa kanyang katauhan kung kaya ang katapatan ay hindi dapat balewalain. Higit sa lahat, ang pagtataglay ng buhay na marangal ay isa sa mga salik na siya ring magdadala sa ating pagkatao at sa ating buhay.

Masdan natin ang ating mga kababayan na gaano man kahirap ang buhay ay nagtatrabaho ng marangal upang mapakain ang kanilang pamilya. Mapa-drayber ng taxi, janitor, gwardiya o mambobote, may mga hindi nagpapadala sa hirap ng buhay. Sila rin ang nagsisilbing isa sa mga bagong bayani sapagkat gaano man kasidhi ang kanilang pangangailangan ay nagagawa pa rin nilang ibalik ang mga naiwang pera o tseke mapa-Pilipino man o banyaga.

Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay isang kayamanan na hindi matutumbusan ng kahit ano man sa mundo. Ika nga nila, “honesty is the best policy”.

Friday, January 10, 2014

Karera sa Dilim

© Patrick Merencillo

Takot.

Ito ang kasalukuyang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Halos kasimbilis ng tagaktak ng aking pawis ang takbo niya, at halos kasinlakas ng kabog ng aking dibdib ang yabag ng kanyang mga paa.

Pauwi ako ng bahay nang maramdaman kong may sumusunod sa akin, kaya napakaripas ako ng takbo. Takbo dito, takbo dun. Lusot dito, lusot dun.

Hindi ko na alam kung hanggang saan pa may lupa para aking takbuhan. Hindi ko na rin alam kung hanggang saan matatapos ito na tila bagang isang malaking karera sa aming dalawa na ang premyo ay maaaring kamatayan.

Nagdidilim na ang aking paningin. Ang aking bilugang mata ay natatakpan na ng aking mahahabang buhok. Ang aking mahahabang binti ay halos namamanhid na, at ang aking mapupulang labi ay halos tuyo na.

Lumiko ako sa eskinita na halos wala akong maaninag sa sobrang dilim at hindi ko na rin siya makita dahil siya ay maitim. Huminto ako saglit... Ilang sandali pa ay may narinig akong parang isang kadena. Tama! Isa nga itong malaking kadena na kung sakaling ako ay mahuli niya ay lalagot sa aking hininga. Nakakatakot ang kanyang mga mata, at may nakita pa akong matulis sa kanya.

Kumaripas siya ng takbo papunta sa akin. Tumalon ako sa tulay pero nasa paningin ko pa rin siya. Tumakbo na ako ng tuluyan na tanging buwan na lang ang nagsisilbing ilaw sa daan. Sa di inaashang pangyayari, napigtas ang aking kaliwang tsinelas. Aray! Napadaan pa ako sa mabubog na kalsada.

Mukhang mas mapapadali pa siya na sundan ako dahil sa mapulang dugo sa daan papunta sa direksyon ko. Sobrang sakit. Hindi ko na kaya. Ayoko na, titigil na ako. Napaupo na lang ako at napapikit. Ngunit nagulat na lang ako nang ilang saglit pa ay may bigla na lamang dumila sa akin.

Pagmulat ko ng aking mga mata, tila nabunutan ako ng tinik nang makita ko kung sino ang humahabol sa akin. Si bantay lang pala, akala ko ay kung ano na.