Friday, January 10, 2014

Karera sa Dilim

© Patrick Merencillo

Takot.

Ito ang kasalukuyang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Halos kasimbilis ng tagaktak ng aking pawis ang takbo niya, at halos kasinlakas ng kabog ng aking dibdib ang yabag ng kanyang mga paa.

Pauwi ako ng bahay nang maramdaman kong may sumusunod sa akin, kaya napakaripas ako ng takbo. Takbo dito, takbo dun. Lusot dito, lusot dun.

Hindi ko na alam kung hanggang saan pa may lupa para aking takbuhan. Hindi ko na rin alam kung hanggang saan matatapos ito na tila bagang isang malaking karera sa aming dalawa na ang premyo ay maaaring kamatayan.

Nagdidilim na ang aking paningin. Ang aking bilugang mata ay natatakpan na ng aking mahahabang buhok. Ang aking mahahabang binti ay halos namamanhid na, at ang aking mapupulang labi ay halos tuyo na.

Lumiko ako sa eskinita na halos wala akong maaninag sa sobrang dilim at hindi ko na rin siya makita dahil siya ay maitim. Huminto ako saglit... Ilang sandali pa ay may narinig akong parang isang kadena. Tama! Isa nga itong malaking kadena na kung sakaling ako ay mahuli niya ay lalagot sa aking hininga. Nakakatakot ang kanyang mga mata, at may nakita pa akong matulis sa kanya.

Kumaripas siya ng takbo papunta sa akin. Tumalon ako sa tulay pero nasa paningin ko pa rin siya. Tumakbo na ako ng tuluyan na tanging buwan na lang ang nagsisilbing ilaw sa daan. Sa di inaashang pangyayari, napigtas ang aking kaliwang tsinelas. Aray! Napadaan pa ako sa mabubog na kalsada.

Mukhang mas mapapadali pa siya na sundan ako dahil sa mapulang dugo sa daan papunta sa direksyon ko. Sobrang sakit. Hindi ko na kaya. Ayoko na, titigil na ako. Napaupo na lang ako at napapikit. Ngunit nagulat na lang ako nang ilang saglit pa ay may bigla na lamang dumila sa akin.

Pagmulat ko ng aking mga mata, tila nabunutan ako ng tinik nang makita ko kung sino ang humahabol sa akin. Si bantay lang pala, akala ko ay kung ano na.

0 comments:

Post a Comment