© Patrick J. Merencillo
Ang pagiging matapat ay isang karangalan para sa ating mga Pilipino. Sa katunayan, ilan sa atin ang nakatanggap na ng medalya at rekognisyon nang dahil sa katapatan.
Gayunpaman, nakalulungkot isipin na may ilan sa ating hindi inaalintana ang kahalagahan ng pagiging matapat at isinasakripisyo ang kanilang karangalan sa kakarampot lamang na barya.
Isang halimbawa na rito si Mark Solis, isang Pilipino na nanalo sa “Smiles for the World Photo Contest” kung saan napag-alaman ng mga hurado na ang kanyang napanalunan ay huwad sapagkat ito ay pagmamay-ari ng isang banyaga.
Ang pangyayaring ito na kinasangkutan ni Solis ay isang marka sa imahe ng mga Pilipino at ng bansa. Ang matapat na pagkakakilala sa atin ay unti-unting nababahiran ng pagdududa at alinlangan dahil sa mga pangyayaring ganito.
Ika nga, ang mga ginagawa ng tao ay sumasalamin sa kanyang katauhan kung kaya ang katapatan ay hindi dapat balewalain. Higit sa lahat, ang pagtataglay ng buhay na marangal ay isa sa mga salik na siya ring magdadala sa ating pagkatao at sa ating buhay.
Masdan natin ang ating mga kababayan na gaano man kahirap ang buhay ay nagtatrabaho ng marangal upang mapakain ang kanilang pamilya. Mapa-drayber ng taxi, janitor, gwardiya o mambobote, may mga hindi nagpapadala sa hirap ng buhay. Sila rin ang nagsisilbing isa sa mga bagong bayani sapagkat gaano man kasidhi ang kanilang pangangailangan ay nagagawa pa rin nilang ibalik ang mga naiwang pera o tseke mapa-Pilipino man o banyaga.
Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay isang kayamanan na hindi matutumbusan ng kahit ano man sa mundo. Ika nga nila, “honesty is the best policy”.
0 comments:
Post a Comment